November 6, 2024

VP SARA DISKUMPIYADO SA POSIBLENG PAGBALIK NG PH SA ICC

NIRERESPETO ni Vice President Sara Duterte ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ikonsidera ang proposals para sa Pilipinas na muling sumali sa International Criminal Court (ICC).

“We should respect the position of the president being the chief architect of foreign policy so ‘yun dapat ang position nating lahat Duterte,” saad ni Duterte na nagsisilbi rin bilang Education chief, sa mga reporter sa sidelines ng National Children’s Month.

Pero hindi pa rin sang-ayon ang vice president na makipag-kooperasyon ang Pilipinas sa ICC sa gagawin nitong imbestigasyon sa umano’y pang-aabuso na naganap sa anti-illegal drugs campaign ng kanyang ama. “Pero [but] we will continue to reach out to the Department of Justice regarding our position on this matter,” saad ni Duterte.

Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ng pangulo na pinag-aaralan ng kanyang administrasyon ang posibilidad na muling sumali ang Pilipinas sa ICC, na siyang magbubukas ng pinto sa prosecutors ng ICC para imbestigahan at usigin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Inilabas ni Marcos ang kanyang pahayag matapos ihain ang resolusyon sa Kamara na hinihimok ang gobyerno na makipagtulungan sa ICC.

Para sa nakababatang Duterte, malaking insulto sa judicial system ng bansa na payagan ang ICC na imbestigahan ang anti-drug campaign ng kanyang ama.

Matatandaan na kumalas ang Pilipinas sa ICC na naging epektibo noong Marso 2019, matapos ang isinampang kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.

Noong Enero, pinayagan ng pre-trial chamber ng ICC na ituloy ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na drug war sa Pilipinas sa ilalim ni prosecutor Karim Khan.

Napigilan lamang ito nang hilingin ng gobyerno ng Pilipinas na ipagpaliban ang imbestigasyon dahil sa paninindigan nito na mayroong legal system ang Pilipinas na maaring mag-imbestiga sa drug war.