December 23, 2024

VOTER’S ID TARGET IBALIK NG COMELEC

Pinag-aaralan na ng Commission on Elections (Comelec) na maibalik ang voter’s identification (ID) cards bago matapos ang taon.

Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, sinimulan na nilang talakayin ang naturang posibilidad bunsod na rin aniya nang mabagal na distribusyon ng national IDs.

Sa ngayon aniya ay pinag-uusapan na nila ang mga detalye, gayundin ang kinakailangang pondo para dito.

Umaasa naman si Garcia na bago matapos ang taon ay maibalik na nila ang voter’s ID at target umano nilang unang mabigyan nito ang mga overseas Filipinos.

Matatandaang Disyembre 2017 nang suspindihin ng poll body ang pag-iisyu ng voter’s ID bunsod na rin ng pagsisimula ng rollout ng national ID. Paglilinaw naman ni Garcia, ang mga rehistradong botante ay maaaring bumoto kahit wala silang voter’s IDs.