
MANILA — Naglabas muli ang Commission on Elections (COMELEC) ng panibagong batch ng mga lokal na kandidato na kailangang magpaliwanag kaugnay ng mga alegasyon ng vote-buying at abuse of state resources (ASR) o pang-aabuso sa yaman at kapangyarihan ng gobyerno.
Sa isang pahinang dokumentong pirmado ni Teopisto Elnas Jr., pinuno ng Committee on Kontra Bigay (CKB), pinangalanan ang 19 kandidato na umano’y sangkot sa mga naturang iregularidad.
Kabilang sa mga napangalanan ay si Taytay, Rizal Mayor Allan Martines de Leon, na sinasabing sangkot sa parehong vote-buying at ASR. Kailangan ding magpaliwanag ni Kristofer Charles Esguerra, tumatakbong miyembro ng Sangguniang Bayan ng Taytay.
Napadalhan din ng show-cause order si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan kaugnay sa parehong alegasyon.
Narito ang ilan pang mga kandidatong ipinatawag ng COMELEC-CKB:
- Denver Christopher Chua, tumatakbo bilang mayor ng Cavite City
- Marvin Venus ng Baras, Rizal
- Ruben Talon, Butch Suspeñe, at Zake Derequito ng Dumangas, Iloilo
- Zarah Rose Lara, gubernatorial candidate ng Cagayan Province
- Rep. Stella Quimbo at kanyang asawa na si dating Rep. Romero Quimbo ng Marikina City
- Erwin Pastrana, mayoral bet ng Mauban, Quezon
- Rhapsody Miguel Riveral ng Cuartero, Capiz
- Winfred Rivera ng Kamalayan Party-list
- Jeren Jude Bacas at Rolen Paulino Jr. ng Olongapo City
- Danilo Fernandez ng Laguna Province
- Romulo Avila, tumatakbong vice mayor sa Quezon Province
Kasama rin sa naunang batch ng ipinadalhan ng show-cause order nitong Huwebes ay sina Manila mayoral candidates Isko Moreno at Samuel Versoza, kasama ang ilang iba pang lokal na kandidato.
Ayon sa COMELEC, ang mga kandidatong ito ay kinakailangang magsumite ng kasagutan o paliwanag sa loob ng itinakdang panahon upang masuri kung may basehan ang mga paratang.
Patuloy namang humihingi ng pahayag ang ABS-CBN News mula sa mga nabanggit na kandidato ukol sa mga akusasyon.
More Stories
Abalos, Reyes, Manalo bibigyang ningning ang Hagdang Bato billiardfest sa Mayo 4
“Ako o si Isko”: Sara Duterte nagpahiwatig tatakbong Pangulo sa 2028 sa Isko rally
2 arestado sa high-grade marijuana sa Caloocan