November 5, 2024

Villar: Iba pang protected areas isailalim sa E-Nipas Act

ISINUSULONG ni Sen. Cynthia Villar na mas marami pang lugar ang isailalim sa pangangalaga ng pamahalaan sa paghahain niya ng mga panukalang batas na nagdedeklara ng protected areas sa lalawigan ng Masbate, Negros Oriental at Pampanga.

Ayon kay Villar, kailangang amiyendahan ang Republic Act 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System (E-NIPAS) Act para maisama sa protected areas ang tatlo pang lugar sa Pilpinas.

“We have to put in place adequate conservation measures and appropriate management schemes to safeguard the biodiversity of ecologically rich and biologically important areas in our country so that present and future generations will continue to benefit from it,” sabi ni Villar, chairperson ng Committee on Environment and Natural Resources.

Inihain ni Villar ang Senate Bill 1712 na magdedeklara sa Hinakpan Mystical Hills sa Negros Oriental na protected area sa kategoryang natural monument.

Ang Hinakpan Mystical Hills ay isang grupo ng may 237 conical limestone peaks na kakaiba ang hugis at laki na makikita sa highland ng Guilhulngan City.  Sakop nito ang 1,331 ektarya na nakakalat sa ilang komunidad sa Hinakpan at kahalintulad din ng Chocolate Hills ng Bohol.

May katulad din na panukala ang isinampa ni 1st District of Negros Oriental Rep. Jocelyn Sy Limkaichong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Inihain din ni Villar ang Senate Bill 1711 upang isama ang Tugbo Watershed Forest Reserve sa Masbate bilang E-NIPAS protected site.

Nagsisilbi itong watershed na pangunahaing pinagkukunan ng tubig sa Masbate City at Mobo. Ito ay isang moderate hanggang intensive forest cover sa mountainous topography.

Binigyan-diin ni Villar na ang mga hamon sa conservation efforts sa watershed ay kinabibilangan ng  deforestation, illegal logging, hunting ng wildlife, at iba pang nakakasirang gawain ng mga tao gaya ng quarrying.

Naghain din si 2nd District of Masbate Rep. Elisa T. Kho ng counterpart messure nito, ang House Bill 462.

Sa SB 1713, isinusulong din ni Villar ang deklarasyon ng Mount Arayat sa Pampanga bilang isang protected area. 

Isang “fabled mountain” ang Mt. Arayat na dating kilala sa tawag na “Bunduk Alaya” o “ Eastern Mountain” na matatagpuan sa Arayat and Magalang. May taas itong 1,026 meters mula sea level at kinukonsiderang “extinct stratovolcano.”

Ilan sa mga katangian nito ay ang pagiging natural habitats ng endemic at endangered flora at fauna, mahalagang kukunan ng tubig na gamit sa bahay at agrikultura ng mga nakapaligid na komunidad, malinis na tubig mula sa waterfalls at nakabibighaning rock formations.

Tirahan ito ng may 49 species ng mga puno, 86 species ng wild birds, 14 species ng mammals at 11 species ng reptiles. Makikita rin dito ang threatened tree species gaya ng Kamagong gubat, Tindalo, Kupang at Bangkal at endangered species gaya ng Arayat Pitogo, Bitaog at Teak. Tirahan din ang bundok ng monkey species na tinatawag na Philippine macaque.

Inihain ni 3rd District Pampanga Rep. Aurelio D. Gonzales Jr. ang katulad na panukala sa Kamara.

Sa kasakukuyan, may 107 protected areas na sumasakop sa tatlong milyong ektarya sa Pilipinas na nadeklarang protected areas sa pamamagitan ng legislation.

Base sa records at suitability assessments ng Biodiversity Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources, sinabi ni Villar na marami pang lugar sa bansa na kailangang bigyan ng ‘protected area’ status sa pamamagitan ng legislative action upang matiyak ang pagpapanatili sa mga ito.

Si Villar ang principal author ng E-NIPAS Act na nagpalawig sa listahan ng protected areas mula 13 hanggang 107. Kabilang dito ang mga sikat na tourism destinations kabilang na rin ang internationally-recognized critical zones.  Nilagdaan ang batas noong June 22, 2018.