May 20, 2024

Mangingisda na muling iniwan ng ka-live-in, nagpatiwakal

TINAPOS ng isang 45-anyos na mangingisda ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili matapos na umano’y muling layasan ng kanyang kinakasama sanhi ng madalas nilang pagbabangayan, Sabado ng gabi sa Malabon City.

Wala ng buhay nang madiskubre ng kanyang mga kaanak si Ferdinand Suarez na nakabitin, gamit ang isang kawad ng kuryente na nakapulupot sa kanyang leeg at nakasabit ang kabilang dulo ng biga ng kisame sa loob ng kanyang tirahan sa 108 Dampalit sa nasabing siyudad.

Ayon kay P/SSgt. Romeo Germinal II ng Malabon police homicide section, nakaranas ng depresyon ang biktima sanhi ng madalas nilang pagbabangayan ng kanyang 31-anyos na kalive-in na si Cristina Cruz na nagreresulta sa pansamantala nilang paghihiwalay subalit muling nagkakabalikan alang-alang sa kanilang dalawang anak na lalaki.

Sinabi pa Germinal, ikatlong pagkakataon na nagtangkang magpakamatay ang biktima na ang pinakahuli ay noong Agosto 1 matapos na lumayas ang kinakasama nang muli silang magkaroon ng pag-aaway.

Kaagad nadala sa pagamutan si Suarez nang madiskubre kaagad ng kanyang 13-anyos na panganay na anak ang pagbibigti kaya’t muling bumalik sa kanilang piling si Cristina.

Sabado ng tanghali nang muling sumiklab ang pagbabangayan ng magkasintahan na naging dahilan upang lumayas na muli si Cristina hanggang matuklasan nina Michelle Gregorio at Alfie Alingag ang nakabiting katawan ng kaanak bago maghatinggabi ng araw ding iyon.