June 25, 2025

VAPESHOP SA ANTIPOLO HINOLDAP GAMIT ANG DOS-POR-DOS NA KAHOY

ANTIPOLO CITY – Arestado ang isang lalaki na nangholdap sa isang vape shop sa Barangay San Luis, matapos ang mabilis na follow-up operation ng mga pulis sa Antipolo City.

Kinilala ang suspek na si Charles Darwin Padilla y Reyes, 33 taong gulang, residente ng Sitio Puting Bato, Brgy. San Luis.

Ayon sa ulat ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), naganap ang insidente ng robbery bandang 7:12 ng gabi noong Hunyo 22, 2025 sa Cloud 88 Vape Shop na matatagpuan sa kahabaan ng Marcos Highway.

Sa isinagawang imbestigasyon, isinalaysay ng biktima na si Aldrin Erno y Lorente, 29 taong gulang, na habang siya ay nasa kanyang pwesto bilang vendor, biglang dumating ang suspek na armado ng 2×2 kahoy at nangbanta ng pananakit. Dahil sa takot, napilitang iwan ng vendor ang tindahan.

Pagsamantala ng suspek, pumasok ito sa loob ng vape shop at tinangay ang halagang Php 8,000 na kita ng tindahan. Agad na iniulat ng biktima sa barangay ang pangyayari, dahilan upang maisagawa ang follow-up operation na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek sa umaga ng Hunyo 23, bandang 11:00 AM, at agad siyang dinala sa Annex 2 ng Antipolo CCPS.

Bagamat naaresto ang suspek, hindi na nabawi ang ninakaw na pera.

Sa kasalukuyan, inihahanda na ng pulisya ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban kay Padilla.