January 22, 2025

Valenzuela binuksan ang Bagong boardwalk, unang walkathon inilunsad

SA layunin nito na magtaguyod ng malusog na pamumuhay para sa mga Valenzuelano, binuksan na ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang “The Valenzuela Boardwalk”; isang 1.3 km ang haba na floodwall na may linear park at bike trail na sumasaklaw sa mga Barangay ng Coloong, Tagalag, at Wawang Pulo.

Ang Valenzuela Boardwalk, ang pinakabagong karagdagan sa mga matitirahan na lugar ng lungsod na idinisenyo para sa mahabang pagtakbo, health walk, at cycling activities para sa Pamilyang Valenzuelano. Ang linear park ay orihinal na itinatag bilang isang flood control dike upang kontrolin ang daloy ng tubig sa pagitan ng mga nabanggit na barangay at Meycauayan, na kalaunan ay naging isang ligtas na lugar na libangan para sa mga aktibidad ng pedestrian.

Pinangunahan nina Mayor WES Gatchalian, Gng. Tiffany Gatchalian at pamilya, Vice Mayor Lorie Natividad-Borja, at ang Sangguniang Panlungsod ang pagbabasbas at pagpapasinaya ng Valenzuela Boardwalk.

Kasunod nito, inilunsad din ng lungsod ang una nitong walkathon kasama ang mga senior citizen kung saan isang masayang paglalakad na nagtatampok ng humigit-kumulang 200 Valenzulenong senior citizen na miyembro ng OSCA-Alliance of Senior Citizens.

Binagtas ng mga senior citizen ang 600 metro na bahagi ng boardwalk, upang ikampanya ang malusog na pamumuhay at galaw ng katawan sa mga matatanda. Upang matiyak ang kanilang kaligtasan, naglagay ng water station, medic, at mga rescue team na naka-standby.

Isinagawa din ang libreng go-karting activity para sa mga batang edad 4 hanggang 7 na ginanap sa kabilang kalahati ng boardwalk abutin ng ng dalawang araw kung saan nasa sampung go-karts ang sponsored ng Pedway Go Kart.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor WES na ang boardwalk ay nagsisilbi hindi lamang bilang isang recreational space kundi bilang isa rin sa mga flood-control initiatives ng lungsod.

Ang Valenzuela Boardwalk ay bukas araw-araw mula 5:00 AM hanggang 10:00 PM kung saan idinisenyo ito para sa kalusugan at kalidad ng buhay ng Pamilyang Valenzuelano.