November 18, 2024

UTAK SA MULTI-MILLION  PESO ‘APPOINTMENT FOR SALE’ ARESTADO NG CIDG

Ilang kilalang artista at mga negosyante ang nagsampa ng reklamo laban sa isang naarestong big-time scammer na ang modus ay mag-alok ng posisyon at proyekto ng gobyerno.

Sa isinagawang press conference ng kahapon sa Camp Crame, kinilala ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Brig General Romeo Caramat ang suspek na si Edward Diokno Eje, na nadakip nitong Lunes sa BGC, Taguig City matapos ang sumbong ng mga tauhan ng Office of the President na nanutok ito ng baril sa nasabing lugar.

Ayon pa kay Caramat, matapos maaresto ang suspek, sumugod sa CIDG ang maraming complainant kabilang ang ilang malalaking negosyante na hindi na nagpabanggit ng pangalan at mga artistang sina Rosana Roces at Viva hot babes Gwen Garci.

Ginagamit umano ni Eje ang pangalan ng mga maiimpluwensyang personalidad tulad nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Bise Presidente Sara Duterte, Executive Secretary Lucas Bersamin, at Department of Interior and Local Government Benhur Abalos Jr.

Napag-alaman na aabot mula P1 milyon hanggang P300 milyon ang nakuha ng suspek sa kanyang mga biktima na kanyang inalok ng posisyon at malalaking proyekto sa gobyerno kapalit ng malaking halaga.

Ayon kay Roces, inalok siya ng suspek ng kontrata para siya ang humawak ng buong manpower maintenance sa isang building sa Paranaque kapalit ng P8 milyon. Nakapagbigay umano si Osang ng P3.5 milyong cash pero wala namang kontratang dumating sa kanya.

Nabudol din ang tatlong Viva Hot Babes na sina Gewn Garci, Maui Taylor at Jen Rosendal.

Ayon kay Garci, inalok sila ng suspek na mag-invest sa horseracing at kinuhanan sila ng tig-P1 milyon ng suspek pero wala ring nangyari.

Ayon naman kay Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz, na ang mga biktima ng suspek sa government position for sale ay nakapagbigay ng aabot sa P200 milyon hanggang P300 milyon.

Ayaw namang banggitin ni Cruz kung anu-anong posisyon ang mga inalok ng suspek maliban sa puwesto sa Port of Batangas at Clark Development Corporation (CDC).

Sa ngayon, ayon kay Caramat, inaalam pa nila kung may kasabwat ang suspek sa kanyang iligal na gawain.