January 24, 2025

UN SPECIAL RAPPORTEUR IRENE KHAN, HUMANGA SA BILANG NG MGA NALUTAS NA MEDIA KILLINGS SA PILIPINAS

Humanga si United Nations Special Rapporteur Irene Khan sa mataas na porsyento ng mga nalilitis at nalutas na kaso na may kaugnayan sa media killings sa bansa.

Ang pahayag ni Justice Usec. Raul Vasquez ay kasunod  nang ginanap na pagpupulong ngayong araw sa tanggapan ng DOJ na dinaluhan ni Khan.

Ayon kay Usec.  Vasquez, bumilib si Khan sa mga iprinisentang data ng Presidential Task Force on Media Security kaugnay sa mga naresolbang mga kaso.

Ayon kay Undersecretary at PTFoMs Executive Director Paul Gutierrez, nasa 50 perçent ang resolution cases ng bansa kaugnay sa mga napapatay na kagawad ng media mula sa 10 percent lamang na international average.

Malaking bagay aniya rito ang pagpapa-convict sa pamamagitan ng sistema ng hustisya ng bansa sa halos 60 suspek sa Maguindanao massacre kung saan mahigit 50 indibidwal ang napaslang kabilang ang mahigit 30 kagawad ng media.

Sinabi ni Vasquez na naipakita ng ating pamahalaan kay Khan na handa at kayang maprotektahan ng estado ang mga miyembro ng media sa pagtugon sa kanilang mga trabaho.

Sa pulong sa DOJ,  kinausap din ni Khan ang mga opisyal ng PTFoMs.

 Ayon kay Gutierrez, inalam ni Khan ang status at kung dumadaan sa tamang proseso ang mga kaso ng pagpatay sa media sa bansa sa ilalim ng Gobyernong Marcos, na natugunan naman ng task force.