
Maynila — Trahedya ang sinapit ng isang 41-anyos na lalaki matapos itong masaksak gamit ang basag na bote habang pilit na inaawat ang dalawang grupong muntik nang magsagupa sa harap mismo ng kanyang bahay sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Brian Sese, residente ng No. 247 Moriones Street, Barangay 123, Tondo. Ayon sa ulat ng Manila Police District–Homicide Section, agad na isinugod sa ospital si Sese ngunit idineklarang dead-on-arrival matapos umano itong mawalan ng maraming dugo dahil sa tinamong saksak sa hita.
Batay sa imbestigasyon ni PSMS Boy Niño Baladjay, dakong alas-6 ng umaga nang maganap ang insidente. Nakatambay umano sa harap ng bahay ng biktima ang dalawang grupo ng kalalakihang tila nagbabangayan at papunta na sa rambulan.
Lumabas si Sese upang awatin ang mga ito, ngunit isa sa mga lalaki ang biglang nabasag ang hawak na bote at sinaksak siya nito sa hita.
Patuloy ang follow-up operation ng MPD–Police Station 1 upang matukoy at madakip ang suspek na agad tumakas matapos ang pananaksak.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga sangkot sa krimen at kung ano ang ugat ng tensyon sa pagitan ng dalawang grupo. (ARSENIO TAN)
More Stories
PROKLAMASYON SA 12 SENADOR, POSIBLE NA SA WEEKEND – COMELEC
DOST Region 1, BPI Foundation matagumpay na naiturn-over ang STARBOOKS sa limang pampublikong paaralan sa rehiyon
LACUNA, NAGPASALAMAT SA MGA MANILEÑO SA PAGKAKATAONG MAGING UNANG BABAE NA ALKALDE NG MAYNILA