MATINDI ang naging pagsalubong ng Tunisia sa Alas Pilipinas matapos tambakan ang pambansang koponan sa iskor na 13-25, 17-25, 23-25 sa pagbubukas ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship noong Biyernes sa Mall of Asia Arena.
Bagama’t kinapos sa unang dalawang set, nakabawi ng bahagya ang debuting Filipinos sa ikatlong frame kung saan pinangunahan ni Bryan Bagunas ang matinding rally.
Nagbalik-aksiyon si Bagunas matapos ang mahigit isang taong pamamahinga dahil sa knee injury at agad umiskor ng 23 puntos, kabilang ang 11 sa huling set.
Sa kabila ng pagkakabuhol sa 23-all matapos ang malakas na backrow attack ni Bagunas, hindi natinag ang 11-time African champion.
Tinuldukan ng Ossama Ben Romdhane kill at Khaled Ben Slimene joust ang laban upang tuluyang maselyuhan ng Tunisia ang panalo.
“It wasn’t a good start but for the third set, we were able to showcase the potential of Philippine men’s volleyball,” wika ni Bagunas. “Super happy ako sa ipinakita namin kahit hindi ito ang outcome na gusto namin. For sure, babawi kami sa susunod na laban.”
Susubukan ng Alas Pilipinas na makaiskor ng unang panalo laban sa Egypt sa Martes.
Bukod kay Bagunas, kumamada rin ng siyam na puntos si Marck Espejo, habang nagdagdag ng apat si Peng Taguibolos. Samantala, nakinabang ang Tunisia sa 19 errors ng Nationals at kumamada ng 44 attack points.
Pinangunahan ni Romdhane ang kanilang koponan na may 17 puntos, habang sina Ahmed Kadhi, Elyes Karamosli, at Ali Bongui ay nag-ambag ng tig-siyam na puntos. (RON TOLENTINO)
