NASA sa mahigit P.2 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa isang tulak ng ilegal na droga matapos kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang naarestong suspek na si Jordan Batac, 45 ng Ilang-Ilang St., Brgy. Karuhatan ng lungsod.
Sa ulat ni Col. Destura kay Northern Police District (NPD) P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police hinggil sa umano’y muling pamamayagpag ng pangalan ng suspek sa pagbebenta ng illegal na droga sa lungsod kaya isinailalim nila ito sa validation.
Nang positibo ang report, ikinasa ng mga operatiba ang buy bust operation sa pangunguna ni PEMS Restie Mables kung saan isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P8,500 halaga ng shabu.
Matapos matanggap ang pre-arrange signal mula sa poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng shabu sa target ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto nila ang suspek dakong alas- 8:15 ng umaga sa Santolan Service Road, Brgy. Gen. T De leon.
Ayon kay PSSg Ana Liza Antonio, nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 30 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) value na P204,000.00, buy bust money, P200 bills, cellphone at motorsiklo na gamit ni Batac sa kanyang illegal drug transaksyon.
Ani PEMS Mables, ilang beses na umanong nahuli ang suspek dahil sa pagbebenta ng illegal na droga subalit, nakakalaya ito.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA