TIMBOG ang isang tinaguriang High Value Individual (HVI) sa ikinasang search warrant operation ng Lucban Drug Enforcement Team matapos mahulihan ng mahigit isang milyong pisong halaga ng shabu at baril sa Barangay May It, Lucban, Quezon nitong Sabado ng gabi, Setyembre 13, 2025.
Kinilala ang suspek na si alyas “Kirby,” 39-anyos, residente ng Sitio Spring sa nabanggit na barangay.
Sa bisa ng search warrant na nilagdaan ni Judge Agripino R. Bravo ng RTC Branch 55, Lucena City, sinalakay ng mga awtoridad ang tahanan ng suspek at narekober ang tinatayang 147.68 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1,004,224.00.
Bukod dito, nakumpiska rin ang iba’t ibang drug paraphernalia, isang caliber .9mm na baril na may mga bala, at ilang personal na gamit.
Kasalukuyang nakakulong si “Kirby” sa Lucban Municipal Detention and Holding Facility at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (KOI HIPOLITO)
