September 19, 2024

Truck driver pinagbabaril sa harap ng kainuman

NASA malubhang kalagayan ngayon ang isang 44-anyos na truck diver  matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek sa harap ng kanyang mga kainuman sa Malabon City, kaninang hating gabi.

Inoobserbahan sa MCU Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang braso at kanang hita ang biktimang si Rodjie Javinar, 44 ng M Adalia St. Brgy. Longos.

Sa imbestigasyon ni PMSg Julius Mabasa, alas-12:10 ng hating gabi, kainuman ng biktima ang kanyang dalawang kaibigan na si Alyas “Toothpick” at alyas “Rolando” sa Adalia St. nang dumating ang suspek at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima habang kumarimas naman ng takbo ang kanyang mga kainuman para sa kanilang kaligtasan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang dinala naman ng kanyang mga kaanak ang biktima sa naturang hospital.

Ani Malabon police chief Col. Jessie Tamayao, patuloy ang follow-up imbestigasyon ng kanyang mga tauhan sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek habang inalaam pa ang motibo sa insidente.