November 3, 2024

‘Tropang Bambol, moog pa rin sa POC poll!

No description available.

KASING-TIBAY ng moog, kasing- tatag ng pader kaya sinumang bumangga ay giba!

Sila ang ‘tropang Bambol ‘ sa POC na walang itatapon kung sa kwalipikasyon at performance lang naman ang pagbabasehan.

 Inilatag na ni incumbent Philippine Olympic Committee President Cong. Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang kanyang mga alas para sa POC election na idaraos  sa Nobyembre 27 ng taon.

Bumabandera sa kanyang line-up sina Tom Carrasco (Triathlon Association of the Philippines) para sa posisyong  Chairman, for First Vice President si Al Panlilio (Samahang Basketbol ng Pilipinas) at para Second Vice President naman si Ormoc City Mayor Richard Gomez (Philippine Fencing Association at Philippine Modern Pentathlon Association).

Nasa Tropang Bambol din sina Cynthia Carrion (Gymnastics Association of the Philippines) para  Treasurer at si Chito Loyzaga (Philippine Amateur Baseball Association) para Auditor.

Tatakbo naman para sa posisyong Director sina Pearl Managuelod (Muay Thai Association of the Philippines) Dave Carter (Philippine Judo Federation), Dr. George Canlas (United Philippine Surfing) at Cong. Prospero Pichay (National Chess Federation of the Philippines).

Sa maikling panahon ng liderato ng Mambabatas mula sa 8th District ng Cavite sa POC ay may  makasaysayang achievements na ito tampok dito ang overall championship ng Pilipinas noong 30th SEAGames Philippines 2019 at sa pagpatuloy ng kanyang mandato ay ‘mission possible’ nito ang unang Olympic gold ng atletang Pilipino sa Tokyo Olympics 2021 na kanyang  magiging legasiya  at ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa Sambayanang Pilipino.

Babangga sa matibay  na pader na may napatunayan nang kakayahan ni Bambol and company ay ang grupong pamumunuan ng salat sa karanasan na si Clint Aranas ng Archery kasangga ang mga bating nang sina Steve Hontiveros ng Handball , Philip Juico ng athletics at iba pang bagito sa performance.

Ngayon pa lang, opinyon ng korner na ito ay .. “it’s all over but the counting” para sa tropa ni Bambol via sweep… ABANGAN!!

ANG OPOSISYON NOON AT NGAYON

NOON, kapag ikaw ay pulitikong nasa OPOSISYON kontra administrasyon, isa kang iginagalang at pinagpipitagan ng sambayanan dahil sa angking tapang at paninindigan.

Kaya pagdating ng halalan, halos walisin ng magigiting na oposisyon ang mga nasa posisyon. Sila iyong kalaban ng adminisrasyon sa konstruktibong pamamaraan, very professional. Hindi pansariling interest  kundi para sa kapakanan ng mamamayan ang laban na sa balota napatunayan.

Iba na ngayon ang oposisyon. Sila iyong walang ginawa kundi maghanap ng butas upang siraan ang nasa Malacañang.

Kahit ipagkanulo pa ang bayan para ipalabas na masama ang gobyerno sa mata ng ibang lahing walang pakialam sa ating soberanya.

Sanib-puwersa ang mga dating nasa poder, oligarko, kaparian, at biased media pati pulahan para pulaan at gibain ang kinasusuklaman nilang nasa trono ng kapangyarihan pero mahal ng sambayanan.

Napatunayan na ito noong nakaraang mid-term election kung saan ay nawalis ang oposisyon  sa unang pagkakataon at deretso ang mga pambato  nila sa kangkungan.   Dapat ay umiba na ng estilo ng mga KONTRA ngayon.

Tumulong na lang  kayo sa  masang higit nangangailangan ng serbisyo ninyo at patapusin na ang termino ng taong kinasusuklaman niyo sa Palasyo para may panahon pa upang bumalik ang simpatiya at pag-galang ng mayoryang mamamayan at itayong muli ang pedestal ng dating tinitingalang OPOSISYON.

Huwag ninyong hayaang kayo ay kinamumuhian ng karamihan. Magtuos na lang kayo sa 2022. Osla na rin ang iniisip na peoples initiative dahil matalino na si Juan at ‘di na basta kayang maliitin ang kaisipan.. Now or NEVER!!!