June 1, 2024

Tricycle driver dinakip sa pangmomolestiya sa pamangkin na nene

SHOOT sa selda ang isang 39-anyos na tricycle driver nang pasukin sa loob ng kulambo at minolestiya ang menor-de-edad na pamangkin sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Lumabas sa pagsisiyasat ni P/CMS Felbie Lim-Puda ng Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na mag-isa lamang sa kanyang silid ang 13-anyos na biktimang itinago sa pangalang “Marimar” na natutulog sa loob ng kulambo nang pasukin ng kanyang tiyuhin dakong alas-2:30 ng madaling araw sa kanilang tirahan sa Brgy. Tanza 1 sa naturang lungsod.

Humiga ang suspek sa tabi ng biktima at nilaro-laro ang bubot na dibdib ng bata na naging nadahilan upang magising ito kaya’t napilitang lumabas ng silid ang manyakis na lalaki.

Matapos nito, nagsumbong sa kanyang ina ang bata kaya kaagad silang humingi ng tulong kina Ernesto Ramirez at Ramil Reyes, kapuwa barangay tanod ng Tanza 1 na nagresulta sa pagkakadakip sa tiyuhin ng biktima.

Kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 o Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimation Act ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa piskalya ng Navotas City.