December 20, 2024

Train driver kulong sa pagwawala sa Navotas

SWAK sa kulungan ang isang train driver matapos arestuhin makaraang magwala sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

 Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang inarestong suspek bilang si Elmar De Guzman, 47 ng No. 99 E. Mariano St., Brgy. Tangos South na nahaharap sa kasong Alarms and Scandals.

 Sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl Dandy Sargento, dakong alas-12:10 ng hating gabi nang gumawa ng gulo ang suspek sa kahabaan ng S. Roldan St., Barangay Tangos sa pamamagitan ng pagsisigaw ng hindi magandang mga salita.

Dahil sa ginagawang ingay ng suspek, nagising si PEMS Emmanuel Reyes Jr, 52, ng No. 805 Coral St., Dagupan Tondo Manila, nakatalaga sa Station 2 ng Manila Police District kaya nilapitan niya si De Guzman at nagpakilala bilang isang pulis saka inawat.

Subalit, sa halip na makinig ay nagpatuloy pa rin ang suspek sa kanyang pagsisigaw na naging dahilan upang humingi ng tulong ang pulis sa mga tanod ng Brgy., Tangos South na nagresulta sa pagkakaaresto kay De Guzman.

Dinala ang suspek sa Navotas City Hospital para sa medical examination at verification kung saan lumabas sa resulta na nasa impluwensya siya ng alak.