May 12, 2024

No. 7 top most wanted person ng Malabon, nalambat

HIMAS-REHAS ang isang binata na listed bilang No. 7 top most wanted matapos masakote ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Malabon City, kamakakalawa ng hapon.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong akusado bilang si Miguel Vibar, 23 ng No.13 P Maria Clara St. Brgy. Acacia, Malabon City.

Ayon kay Col. Daro, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Malabon police na naispatan ang presensiya ng akusado sa kanilang lugar.

Alinsunod sa kampanya ng PNP kontra wanted persons, agad nagsagawa ang tracker team at ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni PSMS Joey Sia sa ilalim ng pangangasiwa ni PCPT Richell Siñel ng manhunt operation in relation to SAFE NCRPO na nagresulta sa pagkakadakip kay Vibar sa kanilang bahay dakong alas-4:20 ng hapon.

Ani PCPT Siñel, si Vibar ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Anti-Rape Law of 1997 (RA 8353) na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 73 ng Malabon City at walang inirekomendang piyansa.