
Ipinagmalaki ni Finance Secretary Ralph G. Recto ang patuloy na paglakas ng labor market ng Pilipinas, at iginiit na mas maraming de-kalidad na trabaho ang naghihintay sa mga Pilipino sa ilalim ng mga “future-ready” na hakbangin ng pamahalaan upang palakasin ang produktibidad ng manggagawa at tiyaking handa ang bansa sa hamon ng hinaharap.
Batay sa Labor Force Survey (LFS) noong Abril 2025, nanatiling mababa at nasa tamang antas ang unemployment rate ng bansa na may average na 4.0% year-to-date, mas mababa kaysa sa target range na 4.4% hanggang 4.7% na itinakda sa Philippine Development Plan (PDP) 2023–2028.
Bumaba rin ang underemployment rate sa 14.6%, indikasyon ng patuloy na pagbuti ng kalidad ng mga trabaho.
Nagpakita ng matatag na paglago ang employment sa services sector, na nagtala ng 30.14 milyong empleyado noong Abril, mas mataas kaysa sa 29.72 milyon noong nakaraang taon. Pati ang agrikultura ay lumago rin, may 10.02 milyong manggagawa mula sa 9.8 milyon noong 2024.
Ayon pa sa datos, nananatiling pinakamalaki ang bahagi ng mga wage and salary workers — o mga may pormal at matatag na trabaho — na umaabot sa 63.2% ng kabuuang employed population.
“Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., binubuo ng economic team ang isang labor market na matatag, inklusibo, at globally competitive. Ito ang susi para makinabang tayo sa demographic dividend, mapanatili ang matatag na ekonomiya, at iahon ang mas maraming Pilipino mula sa kahirapan,” ayon kay Recto.
Bilang bahagi ng employment generation efforts, nakipag-ugnayan kamakailan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga dayuhang conglomerate gaya ng Lotte GRS mula South Korea upang pasiglahin ang trabaho sa food at retail sector. Nakaplano ang pagbubukas ng 30 Lotteria branches sa bansa, suportado ng insentibo sa ilalim ng CREATE MORE law.
Sa pagharap sa digital transition, pumasok ang DTI sa isang kasunduan sa World Economic Forum upang isagawa ang Future of Jobs Accelerator, na nagsasabing 68% ng manggagawang Pilipino ang mangangailangan ng training pagsapit ng 2030, at 27% ang kailangang i-retrain para sa panibagong trabaho.
Kasabay nito, maglulunsad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng micro-credentialing programs, demand-driven training, at AI ethics para sa labor governance.
Itinatag din ang Semiconductor and Electronics Industry Advisory Council upang tumulong sa local firms na mag-upgrade ng teknolohiya at palawakin ang kanilang produkto—na magbubukas ng mas maraming high-paying at skilled jobs.
Naglabas naman ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng National Certification III (NC III) para sa mahigit 68,000 Child Development Workers, bilang tugon sa kakulangan sa training at job security sa early childhood education.
Naaprubahan na rin ang IRR ng Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act, na may 85.48% employment rate, patunay umano ng alignment sa pangangailangan ng industriya.
Pinalalawak rin ng TESDA ang mga international partnerships upang mapabuti pa ang technical-vocational education and training (TVET), kabilang ang mga scholarships, training, at joint research.
Para naman sa kabataan, inilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang Young Filipino Farm Leaders Training Program sa Japan at grant support para sa mga promising agripreneurs, bilang bahagi ng hakbang sa food security at rural development.
Samantala, binuksan ng DOLE ang higit 2,700 slots para sa Government Internship Program (GIP) sa Ilocos Region, upang bigyang pagkakataon ang mga disadvantaged youth na magkaroon ng karanasan sa pampublikong serbisyo.
More Stories
Mayor Kit Nieto, Naghain ng Solusyon sa Paulit-ulit na Baha sa Celso Tuason Avenue
4 TIMBOG SA ₱3.4M DROGA SA RODRIGUEZ, RIZAL
‘WALANG ATRASAN!’ — KAMARA DI BIBITAW SA IMPEACHMENT KAY VP SARA!