January 13, 2025

TRABAHO MUNA AT DI PAPOGIAN NG PANGALAN ANG GUSTO NG TAUMBAYAN

Selling like hotcakes ang isyu ngayon sa mga kandidato sa Pampanguluhan sa 2022 national elections. May nagparamdam at nagpahayag na ring mga personalidad na tatakbo sa iba’t-ibang posisyon.


Siyempre, kanya-kanya nang diskarte ang mga ito para magpabango sa taumbayan. Wala namang masama basta hindi malisyoso. Ang di lang maganda, kalkalan ng baho at batuhan na ng putik ang maaaring mangyari.


Sa lagay natin ngayon sa gitna ng pandemya, nararapat na trabaho muna ang asikasuhin ng mga kakandidato at hindi ang pamumulitika. Masyado namang halata ang iba. Gusto kasing makaungos sa kalaban.


Gayunman, masarap ding pakinggan ang batuhan ng putik sa isa’t isa. Parang honeybee, parang pulot. Masarap pag-usapan. Pero, marunong nang makiramdam at kumilatis ang taumbayan. Kaya sa huli, mananaig sa pulso at puso nila ang mas matimbang. Ang mas napipisil nilang ihalal.


Sa ngayon, ang gusto nila ay magtrabaho muna ang mga lingkod-bayan. Na tutugon sa kanilang hinaing at pangangailangan. Hindi ang magpapogi’t magpaganda ng pangalan.