December 24, 2024

TOTOY NALUNOD SA ILOG SA NAVOTAS

Namatay ang isang siyam na taong gulang na batang lalaki matapos malunod sa ilog sa Navotas City, kamalawa ng hapon.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang biktima na si Justine Antonio, 9-anyos ng No. 497 Gov. Pascual, Brgy. Daang-Hari.

Sa inisyal na imbestigasyon nina PSSg Levi Salazar at PCpl Reysie N Peñaranda, dakong ala-1:20 ng hapon, habang naglalaro ang biktima kasama ang kanyang 10-anyos na nakakatandang kapatid na lalaki sa Riverside Estrella Bridge, Brgy. East makaraang bumuhos ang ulan nang madulas umano ang bata mula sa hinahawakan nitong lubid.

Lumubog sa ilalim ng tubig ang biktima at hindi na lumutang na naging dahilan upang humingi ng tulong ang kanyang kuya sa kanilang ama na si Nestor, 56, na agad namang sumisid sa ilog para iligtas ang anak.

Gayunman, nabigo si Nestor na makita ang anak kaya’t humingi sila ng tulong sa mga awtoridad na agad namang nagsagawa ng search at rescue operation ang pinagsamang mga tauhan ng Coast Guard, Bureau of Fire Protection, PNP at Navotas DRRMO.

Bandang alas-7:02 ng gabi nang ma-retrieved ng mga rescuer ang bangkay ng bata at walang external injury sa katawan nito, habang kumbinsido naman ang kanyang pamilya na ito ay isang aksidente.