May 10, 2024

Totoy nalunod sa costal dike sa Navotas

PATAY nang matagpuan habang nakalutang sa costal dike ang katawan ng isang 5-taong gulang na batang lalaki na nagpaalam lamang na makikipaglaro sa mga kaibigan sa labas ng kanilang bahay sa Navotas City, Martes ng hapon.

Isinugod pa ang biktima ng kanyang ama na si Randy Cabagani, 33, ng 151 Masipag St., Brgy. Tanza 1 sa Malabon City Hospital subalit, idineklara itong dead on arrival ng mga sumuring doktor.

Batay sa ulat ni P/Cpl. Billy Godfrey kay Navotas police chief P/Col. Allan Benitez Umipig, bago ang insidente ay niyaya ng ama ang anak na magmeryenda pagdating niya galing sa trabaho dakong alas-5 ng hapon.

Matapos nito, nagpaalam ang bata na makikipaglaro lamang sa labas ng bahay subalit dakong alas-5:20 ng hapon, nakita ng pinsan ni Cabagani na si Mahdie Esmael, 25, na lumulutang sa Coastal Dike sa Brgy. Tanza 1 ang bata kaya’t kaagad niya itong hinila sa pampang habang isang concerned citizen naman ang nagpabatid sa ama ng insidente.

Lumabas sa pagsusuri, walang nakitang anumang uri ng sugat sa katawan ng bata na senyales na hindi siya naging biktima ng karahasan.