December 24, 2024

Top 8 most wanted person ng NPD, nadakip sa Navotas

SHOOT sa selda ang isang 19-anyos na kelot na wanted sa kaso ng statutory rape matapos masakote ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Navotas City.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang naarestong akusado na si alyas “Jhayr”, residente ng lungsod at nakatala bilang Top 8 Most Wanted Person sa Northern Police District (NPD).

Sa kanyang report kay NPD OIC Director P/Col. Josefino Liga, sinabi ni Col. Cortes na nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan ang presensya ng akusado sa Brgy. Tangos South.

Agad inatasan ni Col. Cortes ang Warrant and Subpoena Section (WSS) na bumuo ng team para sa isasagawang pagtugis sa akusado na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-7:45 ng gabi sa Bagong Kalsada. Brgy. Tangos South.

Si ‘Jhayr’ ay binitbit ng mga tauhan ng WSS sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Cecilia Bunagan Parallag ng Regional Trial Court Branch 9, Navotas City na may petsang September 30, 2024, para sa kasong statutory rape.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Navotas police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte sa paglilipat sa kanya sa City Jail.