January 24, 2025

Top 10 PDID, arestado sa buy bust sa Caloocan, P102K shabu, nasabat

ARESTADO ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan City Police Station, kasama ang 3rd MFC RMFB-NCRPO at Sub-Station 11 si Michael Meneses, 41, top 10 Priority Database on Illegal Drugs (PDID) station level sa buy bust operation sa kanyang bahay sa 407 Building A, NHA, Brgy. 175, Caloocan City. Nakuha sa kanya ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P102,000 at buy bust money. (RIC ROLDAN)

TIMBOG ang isang umano’y tulak ng iligal na droga na listed bilang top 10 Priority Database on Illegal Drugs (PDID) station level sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek bilang si Michael Meneses, 41 ng 407 Building A, NHA, Brgy. 175.

Sa report ni Col. Lacuesta kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, dakong ala-1:20 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Major Dennis Odtuhan, kasama ang 3rd MFC RMFB-NCRPO at Sub-Station 11 ng buy bust operation sa bahay ng suspek

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P10,500 halaga ng droga at nang tanggapin nito ang marked money mula sa poseur-buyer ay agad siyang pinosasan ng mga operatiba.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 15 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P102,000 at buy bust money na isang tunay na P500 bill at sampung pirasong P1,000 boodle money

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.