Isang trahedya ang yumanig sa TNT Tropang Giga 5G nitong Sabado nang masugatan ang kanilang resident import na si Rondae Hollis-Jefferson (RHJ) sa East Asia Super League (EASL) habang naglalaro para sa Meralco Bolts.
Si RHJ, na naturalized player ng Jordanian national team at dating naglaro sa Korea at Puerto Rico, ay inasahan ng TNT na hindi muna maglalaro sa ibang koponan upang makapagpahinga at maghanda para sa defense ng Governors’ Cup at Commissioner’s Cup championships sa Season 50 ng PBA.
Ngunit sa isang hindi inaasahang insidente, na-rupture ang Achilles tendon ni RHJ matapos tumama ang kanyang landing sa paa ni Sam Deguara, 7-foot-6, 288-lb import ng Macau Black Bears. Tinaguriang “freak accident,” ito ay nagdulot ng malubhang pinsala sa beteranong manlalaro.
Ayon sa isang opisyal ng TNT, ang dahilan kung bakit naglaro si RHJ sa Meralco ay “isang request mula sa management ng Meralco sa TNT” bilang suporta sa corporate sibling sa international stage at para mabigyan sila ng pagkakataong manalo sa Tournament of Champions na may premyong $1 milyon.
Bagamat ang kontrata ni RHJ, na tinatayang $50,000 kada buwan, ay pinaniniwalaang guaranteed, ang pisikal at emosyonal na pinsala ay hindi masukat. Plano na siyang operahan ng isang dalubhasang orthopedic surgeon sa New York at alagaan ng mga eksperto upang mabawi sa loob ng 12 buwan.
Subalit may tanong na bumabalot sa kanyang pagbabalik: sa edad na 31 sa darating na Disyembre, maari pa kaya niyang maibalik ang dating galing para sa TNT at sa Jordan national team?
Para sa TNT, ang insidente ni RHJ ay malaking dagok sa kanilang kampanya sa Governors’ Cup at Commissioner’s Cup, dahil ang kimika at koordinasyon ng koponan ay mahirap nang gayahin ng ibang import kahit may kakayahan silang kumuha ng kapalit.
Ang pagbabalik ni RHJ sa court ay magiging matagal at mahirap, ngunit may pag-asa na sa tamang paggagamot at rehabilitasyon, maibabalik pa niya ang kanyang career sa tamang kondisyon. (Ron Tolentino)
