January 23, 2025

Tignan: Mga vending stall sa Maynila, gumagamit ng PayMaya

GUMAGAMIT na ang bagong renovate na vending stall na iniliaan ng lokal na pamahalan ng PayMaya machines kasabay ng ika-449 anibersaryo ng Lungsod ng Maynila.

Ngayong may pandemya ng COVID-19, isinusulong ng gobyerno ng Lungsod ng Maynila ang cashless transactions sa pagitan ng mga customer at mga nagtitinda na malapit sa Manila City Hall.

Ayon kay Paymaya head for wallet business Kenneth Palacios,  ang proyektong ito ay sumasalamin sa pagiging advance mag isip at mga future ideas ng lokal na gobyerno ng Maynila.

“This partnership speaks a lot about the forward thinking and the future of ideas of the local government,” ayon kay Palacios.

“This is a brave new step. This is also a testament to the forward looking ideas of Mayor Isko Moreno,” dagdag pa niya.

Iginiit din ni Palacios na malaki ang maitutulong ng cashless payments sa publiko upang hindi gaanong maging lantad sa nakamamatay na banta ng COVID-19. Dagdag pa niya, makatutulong ito sa mga tindero upang ma-monitor ng maayos at tama ang kanilang mga kita.

Sa kasalukuyan, ang Department of Engineering and Public Works (DEPW) ay nakapagtayo na ng kabuuang bilang na 90 vending stalls sa lungsod.

Ang pakikipag-ugnayang ito ng lokal na gobyerno sa PayMaya ay isa lamang sa mga hakbang ng lungsod sa pagsusulong ng cashless transactions sa publiko.

Maaalalang naunang nailunsad ng Lungsod ng Maynila nitong Mayo ang GoManila app kung saan maaari nang mag apply online ang publiko ng kanilang birth certificate at makapagbayad ng kanilang mga amilyar at buwis sa negosyo. (NORMAN ARAGA)