May 20, 2024

2 huli sa P1.6-M halaga ng shabu at baril

TIMBOG ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos makumpiskahan ng mahigit P1.6 milyon halaga ng shabu, baril at mga bala sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela Police Chief Col. Fernando Ortega ang naarestong mga suspek na si Glenn Perciana alyas “Bukol”, 39, at Joebert Basito, 41, ng Brgy. B.F Homes Sucat Parañaque City.

Sa imbestigasyon ni PSSg Ana Liza Antonio, dakong alas-9:30 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na sina PSSg Gerry Dacquil, PSSg Gabby Migano, PSSg Alvin Olpindo, PCpl Franciz Cuaresma at PCpl Ed Shalom Abiertas kontra sa mga suspek sa inuupahang apartment ni Perciana sa Unit 14 Money Trans Compound, Candido St. Mapulang Lupa, Valenzuela City.

Nagawang makapagtransaksyon ng isa sa mga operatiba na nagpanggap na poseur-buyer sa mga suspek ng isang sachet ng shabu.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang P6,000 marked money mula sa poseur-buyer ay agad inaresto ang mga ito ng mga operatiba.

Nakumpiska ng mga pulis sa mga suspek ang nasa 240 gramo ng shabu na tinatayang nasa P1,632,000.00 ang halaga, buy-bust money, P3,500 bill, dalawang cellphone, isang M16 riffle, M16 magazine na may 10 bala, at isang shotgun na may 5 bala.