Diretsahang kinuwestyon ni Navotas Congressman Toby Tiangco ang proseso ng Small Committee sa pagtalakay ng mga budget amendments, kasabay ng kanyang panawagan para sa transparency sa paggasta ng pondo ng bayan.
Sa kanyang inilabas na pahayag, sinagot ni Tiangco ang tanong ng tagapagsalita ni House Speaker Martin Romualdez na nagsabing, “Bakit ngayon ka lang nagsalita tungkol sa Small Committee sa budget?”
“Sinubukan ko na yan noong una akong pumasok sa Kongreso, pero hindi umubra. Ngayong malinaw ang panawagan mismo ni President Bongbong Marcos sa SONA—transparency, lalo na sa budget—baka may pag-asa na,” sagot ni Tiangco.
Ayon pa sa kampo ni Speaker Romualdez, gusto rin umano nila ng open bicam, ngunit itinuro si Tiangco na siyang nagmosyon na gawin sa plenaryo ang individual amendments imbes na sa Small Committee.
Nilinaw ni Tiangco na may dalawang yugto sa pagpasok ng budget amendments: una sa Small Committee, at pangalawa sa bicam. Ipinaalala rin niya ang nilalaman ng Section 56 ng House Rules, kung saan malinaw na nakasaad na ang individual amendments ay dapat ginagawa sa plenaryo, na bukas sa publiko.
“Sa lahat ng ipinapasang batas, ang General Appropriations Bill lang ang may Small Committee. Sa lahat ng ibang batas, wala nito,” giit ni Tiangco.
Hinimok din niya ang liderato ng Kamara na i-post sa opisyal na website ng House of Representatives ang minutes ng deliberasyon ng Small Committee para sa 2025 Budget.
“Kung walang minutes, anong transparency ang sinasabi nila? Anong klaseng proseso ang hindi pwedeng i-record o i-review ng publiko?” aniya.
Para kay Tiangco, malinaw ang tanong: “Gusto ba talaga nilang sundin ang panawagan ng Pangulo para sa reporma sa budget? O nagkukunwari lang?”
Binatikos din niya ang limitadong bilang ng mga kasapi sa Small Committee—na karaniwang apat lamang—na siyang nagdedesisyon sa mga sensitibong pagbabago sa pambansang pondo.
“Apat na tao lang ang bumubuo ng Small Committee. Sila na lang ba ang Kongreso? Kung maganda ang intensyon, bakit hindi nila gawin ito sa harap ng taumbayan sa plenary session?” pagtatapos niya.
Sa gitna ng usapin ng budget insertions at behind-the-scenes amendments, umaasa si Tiangco na seryosohin ng Kamara ang panawagan para sa mas bukas at makataong proseso sa pag-apruba ng pambansang budget.
