November 3, 2024

“TAYO’Y PATULOY SA PAGPAGASPAS SA TAGUMPAY AT PAGBABAGO ”

Muli, isa na naman pong magandang araw sa inyo mga minamahal kong mga kababayan. Mga ginigiliw kong mga Ka-Sampaguita. Nawa’y nasa mabuti po kayong kalagayan. Di nawa magmaliw ang di nauubos na biyaya at pagpapala ng ating Panginoong Diyos.

Tunay na kaybilis lumipas ang panahon. Parang kailan lang mga Ka- Sampaguita. Dati ay nasasama sa aking pagmumuni-muni ng aking balintataw— na dati ay nasa kalye ako at nagtitinda ng sampaguita noong ako’y musmos pa. Ngayon, napamulagat ako, — ako pala’y sasapit na sa aking ika-65 taong gulang.

Dahil dito, ipinagpapasalamat ko sa Panginoong Diyos na isang taon na naman ang idinagdag Niya sa aking buhay. Nawa’y patuloy pa akong pagpalain ng Diyos at bigyan ng mahabang buhay at lakas.

Sa gayun ay maisakatuparan ko pa ang pagsusulong ng makabuluhang paggawa upang makatulong sa nangangailangan sa abot ng aking makakaya. Espesyal sa akin ang petsang Pebrero 6, dahil sa petsang iyan ako nakakita ng unang liwanag o isinilang. 

Na kaalinsabay ng petsang ito ang unang pagpagaspas ng pahayagang “Agila ng Bayan”. Kaya naman, iinog na sa kanyang ika-10 taong anibersaryo ang pahayagan.

Pipit man nun nagsisimula ang nasabing pahayagan, unti-unti itong lumaki at lumago. Ipinanday at hinubog ng panahon. Sinuong ang mga balakid at pagsubok.

Pero, tumibay ang pakpak at naging isang agilang nagkaroon ng matalas na kuko, paningin at tuka— na nakikipagsabayan sa kalidad ng ibang pahayagan.

Sa kanyang payak na pagsisimula, unti-unting minahal ng masa ang pahayagan.

Kung kaya, naging isa itong kompetitibong pahayagan. Muli, maraming salamat po sa inyo, mga Ka-Sampaguita. Nawa’y huwag po kayong magsasawang tumangkilik sa ating pahayagan.