PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
LUMIPAD ang watawat ng Pilipinas mundo ng aklatan!
Sa pagitan ng 10-13 Agosto 2026 Lunes-Huwebes ay dala ng National Library of the Philippines (NLP, itinatag 1887) ang tinig ng mga Pilipino sa ika-90 IFLA World Library and Information Congress (WLIC 2026) sa Busan Exhibition and Convention Center (BEXCO), Busan, South Korea.
Pinangunahan ni Director Cesar Gilbert Q. Adriano ang dedikadong delegasyon ng mga librarian ng NLP. Hindi lang sila dumalo – sila ay nakiisa sa mga pinakamalalaking isip sa mundo ng impormasyon at kaalaman.
Bukod dito ay kabilang din si Director Adriano sa Conference of Directors of National Libraries. Dito nagtipon ang mga pinuno ng mga pambansang akaltan mula sa iba’t ibang bansa para pag-usapan kung paano mas palalakasin ang serbisyo ng mga aklatan at mas palalawakin ang pandaigdigang kooperasyon.
Sa temang “Libraries Powering Transformation ay naging bahagi ang NLP ng makabuluhang talakayan kasama ang mga pandaigdigang lider, mananaliksik, at mga propesyonal sa impormasyon.
Layunin nitong hubugin ang kinabukasan ng mga serbisyo sa aklatan, palawakin ang akses sa impormasyon, at itaguyod ang pagbabagong may saysay para sa lipunan – hindi lang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.
Patunay ito na ang aklatang Pilipino ay hindi nahuhuli. Bagkus, katuwang ito sa paghubog ng kinabukasan ng kaalaman sa buong mundo.
