December 21, 2024

Target ng warrant of arrest, 3 pa arestado sa shabu sa Caloocan

TIMBOG ang apat na hinihinalang drug personalities, kabilang ang 16-anyos na estudyante na na-rescue matapos maaktuhan ng mga pulis na nag-served ng warrant of arrest sa isa sa mga suspek na nagta-transaksyon ng illegal na droga sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni East Grace Park Police Sub-Station 2 Commander PLt Joemar Ronquillo ang naarestong mga suspek bilang si Antonio Cuevas, 58 ng Brgy. 36 Maypajo, Jayson Esguerra, 33 ng Tondo,Manila, Michael Ballesteros, 36 ng Brgy. 50, 5th Avenue at ang 16-anyos na binatilyong Alternative Learning System (ALS) student.

Sa report ni PCpl Manuel Enmil kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, nagsagawa ang mga tauhan ng SS2 sa pangunguna ni PLt Ronquillo ng manhunt operation upang isilbi ang isang warrant of arrest na inisyu ng MTC Branch 50, Caloocan City kontra sa wanted na si Antonio Cuevas para sa Attempted Homicide.

 Nang ipatupad ang nasabing warrant dakong alas-7:30 ng gabi ay naaktuhan ng mga pulis si Cuevas, kasama sina Esguerra, Ballesteros at binatilyo na nagta-transaksyon umano ng illegal na droga sa Rajah Soliman St., Brgy. 36 na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito. 

 Nakumpiska ng mga pulis sa mga suspek ang limang pirasong small heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P52,543.

 Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang tinurn-over naman sa pangangalaga ng DSWD ang nailigtas na menor-de-edad.