Sa layuning mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa buong lungsod, muling binuhay ni Mayor Maan Teodoro ang kampanyang “Tapat ko, linis ko” ngayong Lunes, Pebrero 9, 2026.
Sa harap ng mga kawani ng pamahalaan at mga opisyal ng barangay, binigyang-diin ng alkalde na ang disiplina ang susi sa isang ligtas at kaaya-ayang komunidad.
Ayon kay Mayor Teodoro, ang mga isinasagawang clearing operations ng inter-agency task force ay simula lamang ng isang malinaw na mensahe na seryoso ang lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng batas.
Gayunpaman, iginiit niya na ang tagumpay ng proyektong ito ay nakasalalay sa pakikipagtulungan ng bawat residente.
“Ang kaayusang sinimulan ng inter-agency ay dapat ipinagpapatuloy at minemaintain ng mga residente. Hindi po puwedeng pag-alis ng task force, balik na ulit sa dati,” aniya.
Hinikayat din ng alkalde ang mga opisyal ng barangay na maging mahigpit sa pagpapatupad ng mga ordinansa laban sa mga sagabal sa kalsada at kalyehon.
Samantala, pinaalalahanan naman niya ang mga empleyado ng City Hall na magsilbing ehemplo sa pamamagitan ng pagpapanatili ng 5S (Sort, Set in Order, Shine, Standardize, at Sustain) sa kani-kanilang mga opisina.
Magtatalaga rin ang alkalde ng mga magsasagawa ng random checks upang matiyak na nasusunod ang kaayusan sa loob ng mga tanggapan.
Kasabay ng kampanya sa kalinisan, inanunsyo rin ni Mayor Maan ang pagpapaigting sa seguridad ng mga bike lanes sa Marikina.
Plano ng lungsod na maglagay ng mga karagdagang street lights at CCTV sa mga piling lokasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga siklista at ng buong komunidad, araw man o gabi.
Binigyang-diin ng alkalde ang layunin na magkaroon ng isang interconnected bike lane system na magdurugtong sa bawat barangay, upang maging tunay at praktikal na alternatibo ito sa pagbiyahe ng mga residente.
Nakiusap din siya sa mga nakatira malapit sa mga bike lanes na huwag hayaang magkaroon ng mga obstruction gaya ng mga sasakyan o paninda upang manatiling kapaki-pakinabang ang mga ito para sa mga commuters.
