November 5, 2024

TAGA-HAKOT NG BASURA BUMUO NG ALYANSA; PATAS NA SAHOD INIHIRIT


Maagang bumabangon sa kanyang higaan si Aloja Santos, 49, para maghakot ng basura sa bawat bahay-bahay na bahagi ng kanyang trabaho.

Hating-gabi o madaling araw pa lamang, dapat ilabas na ng mga tao ang kanilang basura sa tapat ng kanilang bahay o sa bawat kanto, kung hindi ay walang hahakot ng kanilang basura.

Sa kabila ng diskriminasyon na kanilang natatanggap dahil sa kanilang “dirty” job, alam ni Santos na mahalaga ang kanyang trabaho.

“Para sa akin po napamahal ko na po yung trabaho ko,” saad ni Aloja sa interview ng Rappler. “Masaya po ako nakakatulong po ako sa aming barangay, sa aming komunidad.”

Kadalasan ay hindi napapansin ang mga waste workers – kolektor ng basura, taga-pulot ng basura, segregators, recyclers – sa buong bansa, lalo na ‘yung nagtatrabaho sa informal sectors. Maliit ang kanilang natatanggap na sahod. Halimbawa na lamang dito ay si Santos, na sumasahod ng P2,000 kada buwan. Obvious naman, na hindi ito sapat para suportahan ang kanyang limang anak at pitong apo.

Kahit na masyadong lantad ang kanilang trabaho sa kontamidado at mapanganib na dumi o bakterya sa pang-araw-araw nilang pamumuhay, wala silang natatanggap na benepisyo at insurance. Maging ang gastos sa maintenance ng bike ay pinapasan pa rin nila, saad ni Santos.

Umaasa siya na dinggin ng national government ang kanilang apela. Maaring hindi napapansin ang mga waste worker, pero sa oras na wala nang maglinis sa kalsada at kumolekta ng basura, ay doon lamang makikita ang kanilang importansiya.

Ito ang dahilan kung bakit nagdesisyon ang mga waste workers na bumuo ng kauna-unahang national alliance ng waste workers.

“Kasi nang nasa loob po kami ng limang taon ng pagseserbisyo namin sa barangay, parang ‘di kami napansin, ‘di kami nabigyan ng mga pangangailangan namin, mga benepisyo at saka kahit suporta man lang,” sambit ni Santos.

Isinalang ang Philippine National Waste Workers Association (PNWWA) noong Pebrero 2024, at si Santos ang tumatayong presidente. Mayroon itong sampung member association mula Dumaguete, Malabon, Navotas, Taguig, Siquijor, San Fernando sa Pampanga, Legazpi sa Albay, Calapan sa Oriental Mindoro, at San Jose Sico sa Batangas. Ang pagbuo sa alyansa ay tinawag ng grupo bilang isang “significant move for labor rights and environmental justice.”