November 18, 2024

SUV driver na nanutok ng baril sa taxi driver sa Valenzuela, kinasuhan na

Si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian (gitna) kasama si Valenzuela Chief of Police Col. Salvador Destura at ang biktimang taxi driver na si Henry Ong Jr. (Kuha ni ART TORRES)

SINAMPAHAN na ng kasong grave threat at alarm and scandal ang isang SUV driver na nag-viral sa road rage incident, kasama ang isang taxi driver sa Valenzuela City matapos magawang makilala ng pulisya sa ilang serye ng follow-up operation.

Sa isang press conference na ginanap sa Assembly Hall ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela (PLV) kahapon ng umaga, kinilala ni Mayor Wes Gatchalian at City Police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang suspek bilang Marlon De Jesus Malabute, driver at may-ari ng SUV na may plakang (NBB-3135), na siyang nanutok ng baril at tumulak sa taxi driver na si Henry Ong, Jr. matapos magkasagian ang kanilang sasakyan noong August 19, 2023 ng madaling araw sa kahabaan ng Bignay Road, Brgy., Punturin.

Ayon kay Col. Destura, nalaman lamang nila ang insidente noong Setyembre 6 matapos itong mag-viral sa social media makaraang ipost ng abogadong si Raymond Fortun kaya agad silang nagsagawa ng imbestigasyon simula sa plate number ng SUV ng suspek na malinaw na nakunan sa video.

Sa tulong ng Land Transportation Office (LTO), nalaman ng pulisya na ang suspek ang pangatlong may-ari ng sasakyan na nakarehistro pa rin sa ilalim ng unang may-ari nitong si Junelyn Butler ng Poblacion, Makati City, bago ito ibenta kay Ryan Cruz ng San Mateo, Rizal.

Nang pumunta ang mga pulis sa tirahan ni Cruz, sinabi nito sa pulisya na ibinenta niya ang sasakyan kay Malabute at kinilala siya bilang ang lalaki sa isang viral video na nagmamaneho ng SUV.Agad namang tinungo ng mga pulis ang tirahan ni Malabute na nakasaad sa kanyang driver’s license sa Gagalangin, Tondo ngunit bigo silang maaresto ang suspek subalit, sinabi ni Col. Destura na nakausap nila ang tiyuhin at kapatid nito na nangako sa kanila ng kanilang kooperasyon.

Sa kanyang panig, umapela si Mayor Gatchalian sa mga may-ari ng baril na maging responsable dahil ang pagkakaroon ng lisensiya sa pagdadala ng mga baril ay isang pribilehiyo lamang para sa kanilang sariling proteksyon at hindi para maging isang street toughie. (JUVY LUCERO)