
MARIKINA CITY — Isang insidente ng “basag-kotse” na kinasasangkutan ng sasakyan ng isang kilalang media outlet ang agad na nabigyang hustisya sa loob lamang ng ilang oras, kasunod ng mabilis at koordinadong aksyon ng Marikina City Police at Barangay Parang officials.
Dakong alas-5:30 ng umaga noong Hunyo 25, 2025, agad na ipinagbigay-alam ni Isagani, isang technical specialist at cameraman ng ABS-CBN, ang insidente ng pagnanakaw sa sasakyang nakaparada sa harap ng kanyang tahanan sa Brgy. Parang. Napag-alamang nabasag ang salamin sa likurang bahagi ng sasakyan at nawawala ang mga gamit na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱543,000.00, kabilang ang dalawang cellphone at mahalagang broadcast equipment.
Sa agarang imbestigasyon ng mga awtoridad at pagsusuri sa CCTV ng barangay, namataan ang suspek na si alyas “Totoy,” 25 taong gulang, kasama ang dalawang Children in Conflict with the Law (CICL) na gumagala sa paligid ng pinangyarihan ng krimen.
Sa tulong ng Barangay Tanod, inimbitahan ang suspek at isa sa mga menor de edad sa Barangay Hall para sa paunang imbestigasyon. Bandang alas-10:00 ng umaga, isang testigo ang lumutang at nagsabing nakita niya ang tatlo habang bitbit ang mga ninakaw na gamit mula sa sasakyan.
Dahil dito, agad na inaresto si “Totoy” at ni-rescue ang CICL na si JCMB, na sa interbyu ay umamin na itinago nila ang mga gamit sa isang lumang bahay. Narekober ng mga pulis ang isang cellphone, puting T-shirt na may logo ng media company, at strap ng bag — lahat ay positibong kinilala ng biktima.
Dakong alas-3:00 ng hapon, na-rescue naman ng isang intelligence operative ang ikalawang CICL na si JREM.
Ayon kay PBGEN Aden T. Lagradante, District Director ng Eastern Police District (EPD), “Ang mabilis na pagkilos ng ating kapulisan ay patunay ng ating dedikasyon sa hustisya, kaligtasan ng publiko, at pangangalaga sa karapatan ng mga kabataang nasangkot. Habang papatawan ng nararapat na kaso ang nahuling suspek, ang mga menor de edad naman ay ibinigay sa tamang ahensya para sa rehabilitasyon.”
Ang dalawang CICL ay pormal na isinailalim sa kustodiya ng City Social Welfare Development (CSWD) ng Marikina para sa karampatang interbensyon. Si alyas “Totoy” ay pansamantalang nakakulong sa custodial facility ng Marikina City Police habang inihahanda ang mga dokumento para sa inquest proceedings sa tanggapan ng City Prosecutor.
More Stories
Construction worker na nanloob sa bahay ng birthday celebrant sa Antipolo, kalaboso
MAYOR ISKO: PATULOY ANG ‘PALILIGO’ NG MGA KALSADA SA MAYNILA; CURFEW SA MINOR IPATUTUPAD
Mega Job Fair