December 25, 2024

Sorpresang inspeksyon sa Bukidnon sugar warehouse isinagawa ng BOC

NAGSAGAWA ang Bureau of Customs-Port of Cagayan de Oro kasama ang mga representative ng Armed Force of the Philippines, National Police at Sugar Regulatory Administration ng surprise inspection sa Crystal Sugar Company Inc. sugar warehouse sa North Poblacion, Maramag Bukidnon noong Agosto 23.

Sa ipinakitang Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) sa mga tauhan ng warehouse, nagpatuloy ang mga awtoridad na inspeksiyunin ang pasilidad bilang bahagi ng walang kapagurang kampanya ng gobyerno na maibaba ang presyo ng asukal.

Umabot sa 466,142 na sako ng asukal ang natagpuan sa warehouse. Bagama’t sinabi ni Javier Sagarbarria, Vice President ng Crystal Sugar Company na 66% ng mga nilalaman nito ay pagmamay-ari ng planters at traders. Aniya nakakapag-produce ang milling company ng halos 3 milyong sako kada taon sa tulong ng iba’t ibang planter associations sa lalawigan.

Noong Agosto 23, ininspeksyon din ng binuong grupo ang BUSCO Sugar Milling Corporation sa Barangay Butong, Quezon, gayundin sa Bukidnon. “The warehouse contained 110,674 bags of sugar, 26,000 of which are raw and the rest already refined. Traders have been withdrawing 10-15 thousand bags per day,” ayon kay BUSCO Officer-In-Charge Ellen B. Villaflora.

Tiniyak ng dalawang sugar mill companies sa mga awtoridad na ang kanilang produkto ay locally produced at nagsisilbi sa Northern Mindanao at Davao Region markets.

Bagama’t ang mga naturang kompanya ay kailangan pa ring magpakita ng kaukulang mga dokumento upang patunayan ng pagiging local sugar producers, kabilang ang pagsusumite ng kani-kanilang Sugar Monitoring System Reports.