Binatikos ni Navotas City Congressman Toby Tiangco ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa “disturbing lack of urgency” sa pagsuspinde sa pasaporte ng nagbitiw na kinatawan ng Ako Bicol na si Zaldy Co.
“Ang tagal na nating panawagan sa DFA na kanselahin ang passport ni Zaldy Co. Napakarami nang basehan na nailatag, pero ang laging sagot ng DFA ay ‘yong iisa at paulit-ulit na dahilan kung bakit ayaw nilang kumilos,” pahayag niya.
“Dito mo makikita na pag gusto, may paraan, pag ayaw, maraming dahilan.” dagdag niya.
Ginawa ni Tiangco ang pahayag matapos kumpirmahin ng DFA na nananatiling aktibo ang pasaporte ni Co habang hinihintay ang pagtanggap ng utos ng korte.
“Mismong Pangulo na ang nagsabi na kakanselahin ang passport ni Zaldy Co once the cases are filed against him. Patong-patong na ang kaso laban sa kanya, pero ang DFA, tila natutulog sa pansitan at manhid sa galit ng taumbayan,” sabi niya.
Binigyang-diin ni Tiangco, na siyang unang mambabatas na nag-ugnay kay Co sa flood control scam, na dapat kumilos agad ang DFA sa gitna ng mga ulat na maaaring mayroon nang Portuguese passport at golden visa si Co.
“Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, maaaring may hawak nang Portuguese passport itong si Zaldy Co. Kaya hindi natin maintindihan kung bakit ayaw pang kumilos ng DFA,” aniya.
“Alam nating lahat kung gaano kahalaga si Zaldy Co sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects. Kaya nararapat lang na mapauwi natin siya agad para harapin ang hustisya,” dagdag niya. (JUVY LUCERO)
