Naghatid ng sorpresang panalo ang bottom-seed na Daegu KOGAS Pegasus matapos pataubin ang nasa ikatlong ranggo na Seoul SK Knights sa eskor na 86–80 sa Daegu Gymnasium.
Pinangunahan ni SJ Belangel ang nasabing tagumpay matapos uminit para sa 27 puntos, apat na rebounds, at isang assist, kung saan tuluyan niyang nalampasan ang produksyon ni Arvin Tolentino na nalimita lamang sa walong puntos. Dahil sa resultang ito, umakyat ang Daegu sa 13–30 record habang nanatili naman ang Seoul sa solong ikatlong puwesto bitbit ang 27–16 na baraha.
Samantala, hindi rin nagpaawat si Kevin Quiambao nang magpakawala ito ng 20 puntos, anim na rebounds, at limang assists upang giyahan ang Goyang Sono Skygunners sa isang dominanteng 86–64 na panalo laban sa Seoul Samsung Thunders.
Ang krusyal na pagkapanalo ng Goyang ay nagpapanatili sa kanilang pag-asa para sa isang slot sa playoffs, habang si Justin Gutang naman ang nanguna para sa Thunders sa kanyang pitong puntos sa kabila ng pagkatalo.
Sa ibang bahagi ng liga, nagpatuloy ang pananalasa ng league-leading na Changwon LG Sakers nang ilampaso ang Busan KCC Egis sa eskor na 94–74.
Bagama’t naging tahimik ang gabi ni Carl Tamayo na may apat na puntos lamang para sa Sakers, nagawa pa ring makuha ng koponan ang panalo laban sa Busan na pinangunahan naman ni William Navarro na may anim na puntos.
Tinapos ang serye ng mga laro sa pagratsada ng Anyang KGC laban sa Wonju DB Promy, 89–59, upang maselyuhan ang solong ikalawang puwesto sa standings.
Nag-ambag si Rhenz Abando ng limang puntos para sa Anyang na ngayon ay isang laro na lamang ang layo mula sa Seoul.
Sa panig ng Wonju, nagtala rin ng limang puntos, apat na rebounds, at dalawang assists si Ethan Alvano ngunit hindi ito sapat upang mapigilan ang paghataw ng Anyang. (RON TOLENTINO)
