December 26, 2024

SIMPLENG PARTY SA BAHAY, OKS KAY SINAS

Hindi sisitahin dahil sa paglabag sa quarantine regulations ng PNP ang mga simpleng party o pagtitipon sa bahay ngayong panahon ng pasko.

Ito ang inihayag ni PNP Chief PGen. Debold Sinas kasabay ng pagsabi na bawal din pumasok sa mga pribadong bahay ang mga pulis para magpatupad ng quarantine regulations.

Maliban nalang aniya kung may reklamo ang mga kapitbahay tulad ng sobrang ingay, at may mga paglabag sa lokal na ordinansa.

Sinabi pa ni Sinas na ang sisitahin lang nilang mga party ay yung mga pagtitipon na ginagawa sa mga pampublikong lugar gaya nitong hinuli ng Police Station 3 sa Maynila na mga nag-iinuman sa sementeryo kamakailan.

Pero maaring pauwiin nalang ng mga pulis ang mga lumahok sa pagtitipon at mga organizer nalang nila ang pagpapaliwanagin sa presinto.

Ipinagbabawal parin ng IATF ang mga malalaking social gatherings at may limitasyon sa bilang ng mga taong pinahihintulutan sa iisang lugar.

Pero sinabi ni Sinas na magiging “considerate” din ang PNP sa pagapapatupad nito, at basta’t nasusunod ang social distancing ay walang problema sa kanila.

Samantala, magkakaroon ng tatlong breaks ang mga pulis ngayong holiday season.

Itoy matapos aprubahan ni PNP chief ang holiday break ng mga kapulisan upang mabigyan ng pagkakataon na makapagpahinga ang mga pulis at makasama ang kanilang mga pamilya at mahal sa buhay.

Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Ildibrandi Usana, layon ng tatlong breaks para lahat ng kapulisan ay mabigyan ng pagkakataon na makapagbakasyon. Sinabi ni Usana, nakikita kasi ni PNP chief ang sakripisyo ng mga pulis ngayong panahon ng pandemic.