January 23, 2025

SILANG MGA AYAW SA ANTI-TERROR ACT

Kumustang muli ang buhay natin mga Cabalen? Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan. Muli na naman tayong tatalakay sa mahahalagang isyu’t usapin sa ating bayan.

Kaugnay ito mga Cabalen sa mga kontra at pumipigil sa Anti-Terrorism Act. Kabilang sa mga pumipigil sa naturang batas ay ang mga civic leder, mga abogado, mga nasa simbahan, senador, kongresista at mga kilalang persona sa ating lipunan.

Dahil sa democratic country naman tayo mga Cabalen, malaya ang ilan na magpahayag ng kanilang saloobin at sariling pananaw. Kaya nga itong mga kontra ay naghain ng temporary restraining order (TRO) at writ of preliminary injunction sa Korte Suprema ang Anti-Terror Act.

Papaano kung hindi sila magtagumpay? Papaano kung taliwas sa kanilang kagustuhan ang magiging desisyon ng Supreme Court. Igagalang kaya nila ang pasya ng Kataas-taasang Hukuman?

Mentras mga Cabalen, kapag nangyari ang kinatatakutan nila, ala ‘e may isa pa silang opsyon. Pwede nila itong i-apela sa international court. Ewan kung gagawin pa nila iyan dahil sa kanilang pagka-diskontento. Ganyan ang resulta ng labis na demokrasya sa Pilipinas. Hangga’t gusto mong komontra, basta nasa lugar ( o kahit wala na sa lugar), pwedeng pumalag kahit ang nailatag na batas ay para sa ikabubuti ng karamihan.

Ang mga tutol kasi sa Anti-Terror Act ay masyadong nakatuon sa kung ano ang magiging negatibong dulot nito. Na ito ay pinagdududahang labag sa Saligang Batas. Mahilig sila sa ‘sweeping conclusion’— na ang inilalagay nila sa isipan na nila na gusto nilang mangyari, ‘e mangyayari.

Pero, ang napansin natin mga Cabalen, bakit double-time sa pagkukumahog ang mga tutol sa Anti-Terror Act; gayung nagkaroon na ito ng mahabang panahon ng deliberasyon?

Bakit sila nangangamba gayung sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na isinama sa probisyon ang mga rekomendasyon ng mga anti. Kaya ang siste, nakalimot na ata sila at nag-asal balimbing. Susme! Kesyo malalagay daw sa alanganin at malalabag ang Karapatang Pantao.

Ani nga ng Pangulong Duterte, ang mga takot sa nasabing batas ay mga ‘kaliwa’ at mga rebeldeng komunista. Bakit nga ba? Dahil ba sa matatapos na ang maliligayang araw nila? Dahil tiyak na tutugisin na sila dahil sa nasabing batas?

Ika nga ng Pangulo, walay labot (walang pakialam o hindi na masyadong iniintindi)  ang Palasyo sa mga kagaya nila para pag-aksayahan pa ng panahon.

They are terrorist because we — I finally declared them to be one. Why? Because we — I spent most of my days as a President trying to figure out and connect with them on how we can arrive at a peaceful solution,” pahayag ng Pangulo.

Ang katuwiran ng mga kontra, maaabuso raw ang nasabing batas dahil pwedeng ikulong ang isang mapaghihinalaang terorista ng hanggang 24 araw; kahit walang pormal na kaso sa korte. ‘E palalayain naman sila kung hindi makakasuhan at mapatunayang hindi terorista. Anong problema run?

Isa pa, maaaring mabigyan ng bayad danyos ang naperwisyo dahil nalagay ang pangala’t pagkatao sa alanganin. ‘E kung hindi ka naman terorista, bakit ka mangangamba?

Kaugnay sa Anti-Terror Act, pumalag rito ang grupo ng CPP at sinabing hindi terorista ang kanilang grupo. Rebolusyunaryong grupo umano sila? Ano nga ba ang kanilang ipinaglalaban? Sinong Presidente kaya ang susundin o makasusundo nila?

Hindi kontrobersiyal ang Anti-Terror Act sa karamihan ng sambayanan. Kontrobersiyal lang ito sa mga tutol. Ano ba ang gusto natin mga Cabalen? Hindi ba’t gusto nating panatag ang loob natin kapag pupunta kung saan. Panatag ang loob natin dahil ligtas ang lugar at ang ating pamayanan; at ligtas sa banta ng karahasan. Kapag ayaw ng ilan sa ganitong sitwasyon, aba’y may tama ka!

Inuulit ko, mga Cabalen, kung wala tayong ginagawang labag sa batas o sangkot sa gawain ng terorismo, wala tayong dapat ipangamba.