December 24, 2024

‘SI DIGONG ANG MAY UTOS’ – DUQUE (Sa paglipat ng P47.6-B DOH fund sa PS-DBM)

IBINUNYAG ni dating Health Secretary Francisco Duque III sa panel ng House of Representatives na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos sa paglipat ng P47.6 bilyon pondo ng Department of Health sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa pagbili ng COVID-19 supplies.

Sa oversight hearing ng House Committee on Appropriations nitong Lunes, nagtanong si ACT Teachers party-list Rep. France Castro kay Duque kaugnay ng kinukuwestiyong paglilipat ng pondo.

“Sinasabi sa atin ni Secretary Duque sa utos ni dating Presidente Duterte ay nagkaroon ng ganito na transfer ng P47.6B, tama po ba?” tanong ni Castro.

Positibo naman ang naging tugon ni Duque at sinabi na isinapubliko ito ni Duterte sa isa sa kanilang lingguhang pagpupulong o talk to the people.

“So clear po ‘yan, P47.6 billion to be transferred to PS-DBM, publicly announced by the former President Duterte na ma-transfer ‘yan,” dagdag pa ni Castro.

Matatandaan na ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong graft laban kay Duque at kay dating DBM Undersecretary Christopher Lao kaugnay ng naturang paglipat ng pondo.

Napatunayan din ng Ombudsman na guilty si Duque at Lao sa mga kasong administratibong grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the service.

Noong 2022, inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee na kasuhan ng paglabag sa anti-graft and corruption, plunder, tax evasion at procurement violation sina Duque at Lao.

Nakasaad din sa partial report na dating nang notoryus si Lao bago pa man masangkot ang kanyang pangalan sa Pharmally controversy.

Si Lao ang dating pinuno ng PS-DBM na siyang nagbigay na maraming kontrata na nagkakahalaga ng P10 bilyon sa Pharmally Pharmaceutical Corp. at maraming iba pa.