May 5, 2024

Sharks Invt’l 9- Ball Open.. CHUNG NG TAIWAN DINAIG SI PINOY FELICIANO PARA SA KAMPEONATO

Itinanghal nina 1st Sharks Invitation 9-Ball Open champion Ko Pin Chung ( kaliwa) ng Taiwan at runner- up Michael Feliciano ng Pilipinas ang kanilang tropeo sa closing ceremony ng kaganapang dinaluhan din nina Quezon City Mayor Joy Belmonte,Councilor Alfred Vargas at Games and Amusement Board( GAB) Chairman Richard Clarin. (M. Salazaŕ)

DINAIG ng dayong pool shark na si Ko Pin Chung ng Taiwan ang pambatong Pinoy na si Michael Feliciano 17-13 sa finals ng 1st SHARKS Invitational  9-Ball Open Linggo ng gabi sa Sharks Arena sa Quezon City.

Sa pagtumbok ng maugong na mensahe ng mabigat na paboritong si Chung, kinuha niya agad ang rack 1 via runout.

Sumagot naman si Feliciano ng Team Pacquiao upang saklitin ang bentahe 2-1 sa naunang error ng Taiwanese bet. Bahagyang umangat si X-44 Feliciano sa 6th rack sa runout nito para sa 4-2 bentahe ng Pinoy bet.

Nakakuha ng pagkakataong makabawi ni Chung sa kanilang battle of safety shots sa 8th rack upang dumikit ang batang Taiwan sa mapanganib na Pinoy pride 3-5, tungo sa   5-5 deadlock sa 10th  rack.

Humigpit pa  ang bakbakan  mula 11th rack hanggang 26th, 13-13 tie. Bumangis ang Taiwanese magmula doon kung saan ay ipinamalas na niya ang kanyang surgical precision upang di na  mabigyan ng pagkakataong huminga pa  si Feliciano at mapigil ang potensiyal na balikwas patungo sa pagsaklit ng kampeonato ni Chung at mapagwagian ang taginting na $35,000 top prize at eleganteng tropeo mula Sharks.

“Focus is the key, Filipinos are great players that’s why I played a notch higher to win this title”, wika ng 28-anyos na  Chinese TaIpeh pride sa panayam.

Ang pambatong Pinoy katulad ni Chung ay nanalasa ng 6 na biktima bago sila nagtagpo sa finals ng torneong may basbas ng Games and Amusement Board (GAB) at suportado ng Winzir, Lucky Break, Andy Premier Cloth, Handtimes at WND.

Pinagningning ang grandeng awarding ceremony nina Quezon City Mayor Joy Belmonte(pangunahing taga- suporta ng sport na billiards di lamang sa Quezon City kundi psti sa buong bansa),QC Councilor Alfred Vargas ,Himamaylan ,Negros Occidental Mayor Rogelio Tongson at Games and Amusement Board( GAB) chairman Richard Clarin.

“Breaks, dun ako naiwanan. Magaganda naman ang tira ko pero inalat sa dalawang dry breaks kaya siya nakaalagwa sa bandang huli.” sambit ng 37- anyos na si Feliciano na nagpasalamat kay Senator Manny Pacquiao sa suporta niya sa kaniyang laban kabilang na ang kaniyang misyon sa nalalapit na  Vietnam 9 ball Championship.