ARESTADO ang isang menor-de-edad na lalaki matapos tangayin ang service firearm at mobile phone ng isang security guard ng Navotas Isolation Facility nang makaidlip ang biktima sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Lumabas sa imbestigasyon ni P/Ssgt. Sammy Llanderal na habang naka-duty ang biktimang si Reymond Coronel, 31, sa pasukan patungo sa pasilidad sa Brgy., BBN, naidlip siya matapos ilagay sa ilalim ng mesa ang kanyang service firearm at cellular phone.
Dito na sumalisi ang 16-anyos na binatilyo subalit nakita siya ng isa pang guwardiya na si Benjie Montisino, 34, na kaagad sumigaw, dahilan upang kumaripas na ng takbo ang suspek.
Humingi ng tulong ang biktima kina P/SSgt. Reynaldo Coquilla at P/Cpl. Ryan Arias ng Navotas Police Sub-Station 3 na agad nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa binatilyo.
 Nabawi sa kanya ang tinangay na kalibre .38 revolver na may apat na bala habang hindi naman narekober ang cellular phone ng biktima.
Dinala ng pulisya ang menor-de-edad na suspek sa Bahay Pag-Asa bilang pansamantala niyang tirahan matapos siyang iprisinta sa Navotas City Prosecutor’s Office para sa kakaharaping kasong pagnanakaw. (JUVY LUCERO)
More Stories
DOH SA PUBLIKO: GAWING LIGTAS, MALUSOG ANG HOLIDAY SEASON
CONVERGE MAGKASUNOD ANG PANALO
Navotas, tumanggap ng Gawad Kalasag