January 24, 2025

SENATE PRESIDENT DAPAT WALANG BUSINESS INTEREST – TULFO

Inilatag ni senator-elect Raffy Tulfo ang kuwalipikasyon ng pipiliin niyang Senate President ng 19th Congress sa Hulyo.

Sabi ng bagitong senador, dapat ay wala itong business interest na pinoprotektahan o poprotektahan.

“Paano ko pipiliin o bobotohin ang susunod na magiging Senate president? Well, simple lang. ‘Yung Senate president na sa tingin kong wala masyadong business interest na pinoprotektahan o poprotektahan,” wika ni Tulfo sa interview ng CNN Philippines nitong Huwebes.

Nilinaw ng senador na wala siyang tinutumbok na senador dahil nasa proseso pa siya ng imbestigasyon at pagre-research sa business interest ng mga senador na gustong maging Senate president.

Isiniwalat nitong tatlo na ang kumausap sa kanya na gustong maging pinakamataas na pinuno ng Senado – sina Sen. Cynthia Villar, Juan Miguel Zubiri, at Imee Marcos.

Tinanong din ni Tulfo si senator-elect Francis Escudero kung interesado ito sa puwesto pero sumagot ito na pinag-iisipan pa niya.

Target ng broadcaster na naging senador na makuha ang chairmanship ng Senate committees on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, at Labor, Employment & Human Resources Development, gayundin ang komite na siyang nakasasakop sa mga Overseas Filipino workers (OFWs). “‘Yung tatlong ‘yun dahil yun ay nalilinya sa ginagawa kong trabaho,” saad ni Tulfo.