November 3, 2024

SELF–SERVING SA PULITIKA AT PAMUMUNO NG BANSA HINDI NAWAWALA

Kaya nga ba ang ating bansa ay hindi na makaahon–ahon sa kahirapan ay dahil sa pagiging self serving ng mga makapangyarihang nakaupo?

Hindi na nabago ang nakasanayan, kumakandidato pa lamang ang isang pulitiko, alam na niya kung saan poposisyon. Kilala na din niya ang kanyang mga kakampi at kaaway. Napili na din niya kung sino-sino ang kanyang iuupo sakaling palarin at manalo. At higit sa lahat, alam na din niya kung kanino at paano niya ibibigay ang mga posisyon sa gobyerno.

Magbitiw man ang kanyang napili sa kalagitnaan ng kanyang laban, mabilis ang palitan sapagka’t nakapag-endorso na ang kanyang mga kaalyado. Sa bulong pa lamang nagkaayusan na.

Ang masamang dulot ng pagiging self–serving ng isang pulitiko bilang pinuno ay ang desisyong mali na ang epekto at siguradong ang magsasakripisyo ay ang bayan at mamamayan.

Maraming isinasakripisyo ang maling pagkiling ng isang pinuno na kadalasan ay desisyon na malimit ay base sa kanyang personal na interes at kung minamalas ay buhat sa sulsol ng kanyang mga kaalyado.

Malaking pagkakamali na kadalasan ay malaking gawak at dahilan ng pagbagsak. Subalit kung papalarin ay maaaring magbunga ng maganda.

Subalit sa mga pangyayari sa liderato ng mga nakaraang pangulo ng bansa at ngayon nga ay kay Presidente Duterte, ang kanyang makamandag na salita na nagpapagapi at nagpapahina sa mga tumutuligsa sa kanya ay kinakikitaan ng personal na interes at hindi ng taong bayan.

Sa pamamagitan ng mouth piece ni Pangulong Duterte, ibinubuga ni Secretary Harry Roque ang lahat ng direktiba ng president. Malimit sa hindi ay mga alanganing sagot bilang tugon sa mga tanong na bumabagabag sa mga mamamayan isang taon at kalahati na ang nakakaraan.

Ang kadalasang pagbibitaw ng salita ni Duterte na kahit na sersyoso ay isa lamang palang joke. Hindi na din maunawaan ng mamamayan kung paano tatanggapin ng mga Pinoy ang mga sinasambit ng president, ito ba ay sersyoso o joke lang?

Ang itinuro sa paaralan noong tayo ay nagsisimula pa lamang, ang presidente ang pinuno ng bansa. Ang ano mang kanyang sambitin ay sersyoso at dapat tandaan.

Paano kung sabihin ng presidente na labhan ang face mask sa gaas? Ang pag-aresto sa mga hindi bakunado at hindi papayagang makalabas ng tirahan? Dahilan para magkagulo ang taong bayan. At pagkatapos ay babawiin ni Roque ang pahayag dahil hindi iyon ang ibigsabihin ng presidente?

Isa  lamang ang hinihintay at tinatandaan ng mga mamamayang isang taon at kalahati nang naghihigpit ng sinturon at umaasang maibibigay ni Duterte ang lunas sa bumabagsak na ekonomiya at sugpuin ang patuloy na panganganak ng COVID-19.

Maliban dito, ang matatandaan ng ating mga kababayan ay ang malabo pa sa sikat ng araw na pagmumura ni Duterte sa kanyang mga kaaway at kung paano niya ito mapaparusahan.

Kapag tayo ay sinusuwerte hindi natin kailangang maghintay ng hating gabi upang pakinggang ang mga tila text messages na binibigkas ni Duterte.

Ang pagpapakita kung paano niya kampihan at suportahan ang mga kaalyadong binubulok ang kanyang sistema dahil sapangungulimbat na kailanman ay hindi niya pinaniwalaan na nagaganap.

Si Health Secretary Duque, sobra na ang kapalpakalan at pagwawaldas umano sa kaban hindi pa rin nagbibitiw sapagkat nasa kanya pa din ang suporta at pagtitiwala ni Duterte.

Sa ganitong kalagayan ng bansa, lumalaki ang bilang ng mga tumatabla sa suporta sa pagtakbo ni Mayor Sarah Duterte, na nang umugong ang balita na ito’y tatakbong president sa susunod na halalan ay biglang nagbago. Naiba ang kanyang pakikitungo sa mga nababalitang tatakbo at makakalaban ng kanyang anak.

Lumabas ang maaanghang na salita at pagpapakita ng pagkadismaya buhat sa presidente. Palipad na salita kina Paquiao at Domagoso (Mayor Isko).

Bago pa man umalis si Paquiao ay marami nang pinalipad na salita si Duterte laban kay Paquiao. Gayundin ang maaanghang at mapangutyang salita laban kay Mayor Isko.

Sana naman maunawaan ng mga trapo na ang trust rating na ibinigay ng taong bayan sa kanila ay hindi kailanman maipamamana. Kaya huwag sanang umasa. Huwag sana nating gawing bobo ang mga Pinoy. Likas lamang na maunawain at maaasahan bilang kaibigan. Subalit magkagayon man ang mga ugaling ito ay lumilipas din.