January 26, 2025

Sekyu pinagtanggol ang asawa na tinawag na pokpok, sinaksak

MALUBHANG nasugatan ang isang security guard matapos pagsasaksakin ng lalaking kalugar na kokomprontahin sana niya dahil sa ginagawang paninirang puri sa kanyang asawa sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Isinugod sa Tondo Medical Center ang biktimang si Regie Artuz, 34, residente ng No. 4 Phase 3, Flovi Homes, Brgy. Tonsuya para magamot ang tinamong dalawang saksak sa likod at hiwa sa kaliwang braso.

 Kaagad namang naaresto sa follow-up operation na isinagawa nina P/Cpl. Jeffrey Retuta at Pat. Marc Roldan Rodriguez ng Malabon Police Sub-Station 5 ang suspek na si Mell Andres Sion, 23, walang hanapbuhay at residente ng No. 23, Phase 3 Flovi Homes.

Sa isinagawang imbestigasyon nina P/SSgt. Diego Ngippol at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued, kadarating lang sa kanilang bahay ng biktima galing sa trabaho dakong alas-8:20 ng gabi nang magsumbong sa kanya ang asawa hinggil sa umano’y ginagawang paninirang puri laban sa kanya ng suspek.

Sinabihan umano ng suspek ang ginang na pokpok, malandi at parausan sa hindi niya malamang dahilan kaya nagtungo sa bahay ni Sion si Artuz upang komprontahin ang lalaki subalit ang ama nitong si Samuel Sion ang lumabas at nakipag-usap sa biktima.

Habang nag-uusap ang dalawa, biglang sumulpot mula sa likuran ang suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima kung saan nagawa namang masalag ni Artuz ang iba pang ulos ng patalim sa kabila ng tinamong dalawang tama ng saksak sa likod.

Nakumpiska naman ng mga umarestong pulis sa suspek ang ginamit na patalim na may bahid pa ng dugo na gagamitin bilang ebidensiya sa paghahain ng kasong frustrated murder sa piskalya ng Malabon City.