November 18, 2024

Sekyu nang-hostage ng doktor

East Avenue Medical Center/FB

ARESTADO ng pulisya ang isang pasyente na magpapagamot sa East Avenue Medical Center sa Quezon City matapos mang-hostage ng isang doctor, Miyekoles ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, dinala ang pasyente na si Hilarion Achondo, 51, sa emergency room para lapatan ng lunas matapos magtamo ng mga sugat matapos maaksidente sa motorsiklo.

Pero bigla na lamang tinutukan ng suspek ng hiringgilya sa leeg ang doctor na si Dr. Russel Anne Carandang.

“Wala pa pong malinaw na dahilan. Hindi po natin makausap nang maayos ang pasyente. Perp mukha pong depressed siya eh, yan po ang tingin ng mga doktor na nakatingin sa kaniya. For what reason, di rin po namin alam,” sabi ni Dr. Willie Saludares, ER chief ng ospital, patungkol sa nang-hostage.

Nagkataon na may mga miyembro ng QC Police District Crime Investigation and Detection Unit sa ER para mag-imbestiga ng ibang kaso, ayon kay Police Major Elmer Monsalve, hepe ng QCPD-CIDU.

Napasuko umano ng mga ito ang suspek sa loob ng 5 hanggang 10 minuto, habang ang doktor naman ay kinausap din ang suspek para pakalmahin ito, ayon kay Monsalve.

“Makikita mo yung biktima kung gaano siya, kung paano niya hinandle ‘yung sitwasyon. Naguusap sila raw na tutulungan din. Makikita mo kung gaano ka-concerned sila sa pasyente dyan sa ospital na yan. Napaka-kalmado po,” ani Monsalve.

Walang nasaktan sa insidente at binigyan na ng ospital ng suporta ang doktor, ayon kay Saludares. Ginamot ang suspek bago i-turnover sa pulisya, ayon kay Monsalve.