December 25, 2024

Sekyu binaril ng matagal ng kaalitan sa Malabon, kritikal

NASA kritikal ang 48-anyos na security guard matapos barilin ng dating kawani ng Malabon City Security Unit (CSU) makaraan ang kanilang mainitang pagtatalo sa loob ng ginagawang elevated parking area sa Malabon City.

Ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan ang biktimang si Vergilio Noynay, 48, residente ng Int. Gulayan, Brgy. Catmon.

Patuloy naman ang follow-up operation ng pulisya laban sa suspek na si Ado Bonson, 56, dating kawani ng CSU at tumatayong caretaker ng ginagawang parking area na mabilis na tumakas sakay ng isang e-trike matapos ang insidente.

Batay sa pang-unang ulat na nakarating kay Malabon police OIC P/Col. Jay Baybayan, nag-krus ang landas ng dalawa na may matagal na umanong alitan sa elevated na lugar ng ginagawang parking area sa F. Sevilla St. Brgy. Tañong dakong alas-7:15 ng umaga at dito na naganap ang kanilang mainitan pagtatalo.

Sa salaysay sa pulisya ng mga nakasaksi, nakita nila na bumunot ng baril ang suspek saka pinaputukan ang biktima na duguang humandusay na agad isinugod sa Ospial ng Malabon bago inilipat sa TMC hospital.