December 26, 2024

Security guard, kulong sa panunutok ng baril sa Malabon

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang security guard matapos ireklamo ng panunutok ng baril Huwebes ng madaling araw sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong suspek na si alyas “Alfredo”, 58, residente ng Gozon Compound, Brgy. Tonsuya.

Ayon kay Col. Baybayan, itinawag ng Barangay Tonsuya sa Malabon Police Sub-Station (SS5) ang ginawa umanong pananakot at panunutok ng baril ng suspek kay alyas “John”, 24, sa hindi pa malamang dahilan sa Phase 6 ng Gozon Compound, Letre, Brgy. Tonsuya.

Kaagad pinuntahan ng mga tauhan ni Col. Baybayan ang naturang lugar at naabutan nila ang suspek na hawak ang isang kalibre. 45 pistola na may walong bala sa magazine dakong ala-1:50 ng madaling araw na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya,

Kinumpiska rin na mga pulis sa kanya ang naturang baril nang mabigong makapagpakita ng lisensiya at permit to carry outside residence at sa halip ay tanging firearm registration lang ang papeles na kanyang iprisinta.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions) at Grave Threat sa Malabon City Prosecutor’s Office.