December 26, 2024

SCREENING PROTOCOLS NILABAG NI SINAS NA COVID POSITIVE (Matapos ang ‘mañanita’)

Nais panagutin ng alkalde ng Calapan City, Oriental Mindoro ang COVID-19 positive na si Philippine National Police chief Gen. Debold Sinas dahil sa “reckless behavior” matapos labagin ang screening protocols

Ayon kay Mayor Arnan Panaligan sa Facebook, hindi sinunod ni Sinas ang screening protocols na required para sa sinumang bibiyahe sa probinsiya.

“He should be made to answer and be held responsible for his reckless behavior,” ipinoste ni Panaligan sa official Facebook page ng kanyang tanggapan, matapos punahin ng isang Mark Manato si Sinas sa comments section.

Inanunsiyo kasi ng tanggapan ni Panaligan sa Facebook ang sitwasyon ng COVID-19 sa siyudad at sa post na iyon naisingit ni Manato ang kanyang pag-uusisa patungkol sa heneral.

“He was tested before he flew here. It is SOP (standard operating procedure) that when one is tested, he must first go on quarantine and wait for the result. He failed to do that. When he came here, he did not tell us that he was waiting for the test result. Thus he was allowed entry.”

Hindi raw dumaan si Sinas sa Oriental Mindoro pier sa Calapan kung saan ibinibigay ang health clearances bagkus dumiretso ito sa PNP Regional Headquarters sakay ng helicopter.

Ito na ang ikalawang beses na nilabag ng PNP chief ang protocol ng national government habang umiiral ang lockdown.

Matatandaan na unang umani ng kritisismo si Sinas dahil sa kanyang “mañanita.”

Ayon kay Panaligan, dapat gumawa ng aksyon ang nakatataas sa Department of Interior and Local Government at Malacañang laban kay Sinas.

“His superiors at DILG and Malacañang must take action against him.”